RIZAL , Philippines — Dalawa katao ang natusta kabilang ang isang lolo habang 300 kabahayan ang natupok matapos na sumiklab ang malaking sunog sa isang residential area sa Cainta, lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang mga nasawi na sina Maria Refol Cabucas, 81-anyos, at John Bell Lorenzo, 26, kapwa residente ng Brgy. Sto. Domingo, Cainta.
Sa ulat ng Cainta Bureau of Fire Protection, dakong alas-6:05 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang apoy sa 3rd Street sa San Buena Compound at mabilis na kumalat sa Gruar Subdivision.
Nang matapos ang sunog, unang narekober ang bangkay ni Cabucas, habang kahapon ng umaga lang nang madiskubre ang sunog na bangkay ni Lorenzo.
Naniniwala si Fire Sr. Inspector Erichson Malamug na kapwa namatay na muna sa supokasyon ang mga biktima, bago kasamang tinupok ng apoy ang kanilang mga bangkay.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, may 300 tahanan ang tinupok ng apoy, at aabot naman sa 800 pamilya ang naapektuhan ng sunog.
Umakyat ang sunog sa Task Force Alpha, bago tuluyang naapula dakong alas-9:58 ng gabi kamakalawa.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga pamilyang nawalan ng tahanan sa tatlong evacuation centers na kinabibilangan ng covered basketball court sa Riverside Subdivision; sa isang sabungan; at Marit covered court, pawang sa Barangay Sto. Domingo.
Ayon naman kay Eric Arevalo, ng Cainta PDRRMO, sa isinagawang imbestigasyon ay natukoy nila na ang tahanang pinagmulan ng apoy ay isa sa bahay na matagal nang walang kuryente, kaya’t hinala nilang napabayaang kandila ang pinagmulan ng sunog. Gayunman, iniimbestigahan pa rin umano nila ang naging sanhi nito.