LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Sinampahan muli ng panibagong kaso dahil sa paglabag sa “Comprehensive Dangerous Drugs Act” ang isang 40-anyos na preso matapos na mahulihan ng droga habang dumadalo ng pagdinig sa korte sa Brgy. Rawis ng lungsod kahapon ng umaga. Kinilala ang suspek na si Michael Guab Miranda, residente ng Sitio Bariada, Brgy.Gogon at dati nang nakakulong dahil sa kasong may kaugnayan din sa droga. Sa ulat, dakong alas-9:25 ng umaga, katatapos pa lang humarap sa pagdinig sa Regional Trial Court kaugnay sa kasong droga na kanyang kinakaharap ang suspek nang magpaalam sa mga bantay na jailguard na pupunta lang muna ng palikuran.
Gayunman, pagkatapos umihi ay muli itong kinapkapan ni Jail Officer 1 Jette Harvey Alicante bilang bahagi ng security protocol ng Bureau of Jail Management and Penology bago ibalik ng kulungan at laking gulat nito nang makuha sa bulsa ni Miranda ang isang sachet ng shabu.