3 sundalo sugatan sa bakbakan
MANILA, Philippines — Sugatan ang tatlong sundalo matapos makabakbakan ang nalalabi pang miyembro ng Maute-ISIS group nitong Huwebes ng umaga sa Sultan Dumalondong, Lanao del Sur.
Ayon kay Col. Romeo Brawner Jr., Commander ng Army’s 103rd Infantry Brigade, dakong alas- 8:10 ng umaga nang makasagupa ng Joint Task Force Ranao ang nasa 24 miyembro ng Maute-ISIS.
Ang Maute-ISIS remnants ay nasa ilalim ng pamumuno ni Abu Dar, isang lokal na terorista na kaalyado ng ISIS at kabilang sa nasa likod ng limang buwang Marawi City siege noong 2017.
Sa kasagsagan ng bakbakan ay nasugatan ang tatlong sundalo na kasapi ng Army’s 55th Infantry Battalion habang hindi naman madetermina ang bilang ng mga sugatan sa mga kalaban.
“Casualties were immediately extracated from encounter site for medical treatment,” pahayag ni Brawner.
Pinaniniwalaan namang nalagasan din ng puwersa ang terorisang grupo bagaman kasalukuyan pa itong inaalam ng militar. (Rhoderick Beñez)
- Latest