MANILA, Philippines — Tatlo katao ang nasawi matapos tambangan ang alkalde ng San Fernando, Cebu ng mga armadong lalaki nitong Martes ng gabi.
Napatay sa ambush ang mister ni San Fernando, Cebu Mayor Lakambini “Neneth “ Reluya na si Ricardo Reluya, brgy. chairman ng Panadtaran sa San Fernando. Nasawi rin ang staff nitong si Ricky Monterona at driver na si Allan Bayot.
Isinugod naman sa Talisay District Hospital ang mga sugatang sina Mayor Reluya, at dalawang bodyguard na sina Tolentin Jefer at Giovani Perez.
Si Mayor Reluya ay isang reelectionist habang ang mister naman nito ay kandidatong bise alkalde.
Kasabay nito, nagbigay ng dalawang linggong ultimatum si PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde sa Cebu Provincial Police Office at Talisay City Police para resolbahin ang krimen at kung hindi ay masisibak ang mga ito sa puwesto.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni Supt. Maria Aurora Rayos, spokesman ng Police Regional Office (PRO)7, nangyari ang pananambang sa kahabaan ng highway ng Brgy. Linao, Talisay City bandang alas- 6:10 ng gabi.
Ang mga biktima ay galing sa San Fernando lulan ng isang puting Toyota Hi-Ace Grandia at patungo sa Brgy. Banawa, Cebu City nang paulanan ng bala ng mga armadong salarin pagsapit sa lugar.
Ang mga suspek ay mabilis na tumakas sakay ng kulay puting Toyota Innova na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao.
Sa pahayag ng mga testigo, ang mga suspek ay mga motorcycle riding gunmen na nakasuot ng kulay itim na t-shirt.
Nabatid na ang bayan ng San Fernando ay balwarte ng self-confessed drug lord na si Franz Sabalones na sumuko sa PNP noong 2016.
Pulitika ang isa sa pangunahing motibo na sinisilip ng PNP.
Agad ipinag-utos ni Albayalde ang pagbuo ng Special Investigating Task Force (SITG) Reluya upang resolbahin ang krimen sa lalong madaling panahon.
Inatasan din nito si PRO7 Director P/Chief Supt. Debold Sinas na paigtingin ang seguridad sa Central Visayas habang papalapit na ang midterm elections sa Mayo.