MANILA, Philippines — Nasa 127 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos na lamunin ng nangangalit na apoy ang 100 kabahayan sa naganap na sunog sa bayan ng Obando, sa lalawigan ng Bulacan nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat, dakong alas-10:00 ng gabi nang magsimula ang sunog sa isang bahay sa Purok 5, Smokey Mountain, Brgy. Paliwas, sa nasabing bayan.
Dahil dikit-dikit ang mga bahay na pawang mga gawa sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy kung saan nilamon nito ang 100 kabahayan na nagresulta sa 127 pamilya ang nawalan ng tahanan.
Ayon sa Obando Fire Station, dakong alas-12:25 ng madaling araw nang ideklarang fire out ang sunog na umabot sa ika-tatlong alarma.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa naturang insidente habang inaalam pa kung may katotohanan na nagmula ang sunog sa naiwang nakasinding kandila sa isa sa mga bahay dito.