3 patay sa aksidente sa Isabela
TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Tatlong katao ang agad na nasawi matapos ang magkahiwalay na aksidente ng motorsiklo sa daan sa Tumauini at Echague, Isabela noong Sabado. Sa unang report, dumausdos ang motorsiklong minamaneho ni Jaypee Guiou dahil sa paghaharurot nito sa highway sa Brgy. Uno, Tumauini dakong alas-11:20 ng gabi. Nagpagulong-gulong sa gitna ng kalsada si Guiou at angkas na si John Lou Guzman bago sila magulungan ng Isuzu forward truck na minamaneho ni Nick Mayo, 25.
Sinikap na isugod ng mga sumaklolo sa ospital ang dalawang biktima subalit idineklara silang patay habang isinailalim sa kustodya ng pulisya si Mayo.
Sa Echague, patay din si Felix Vicera, 45, nang salpukin ng kasalubong na van ang kanyang motorsiklo na nasa kabilang linya matapos mag-overtake ng isa pang sasakyan sa Brgy. Libertad. Sumuko sa pulisya ang drayber ng Hyundai van na si Bernardo Rivera, 41, matapos ang insidente.
- Latest