CAVITE, Philippines — Patay ang isang hinihinalang tulak ng droga na target sa search warrant operation ng pulisya habang 12 iba pa ang naaresto sa Brgy. Molino 4, Bacoor City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng pulisya sa lungsod na ito ang napatay na suspek na si Arnold Delas Penas alias “Arn Arn”, 43-anyos, ng # 143 Sitio Malipay-3, Brgy. Molino 4, Bacoor City.
Sa panayam kay Col Cabatingan, alas-5:00 ng madaling araw nang suyurin ng puwersa ng Bacoor City Police at PDEA-Cavite ang nasabing lugar para sa malawakang drug raid. Bitbit ang limang search warrant na inisyu ni Executive Judge Cynthia Marini-Ricablanca ng RTC Branch 91, Sta. Cruz, Laguna, nilusob ng grupo ang nasabing lugar.
Habang isinisilbi ang search warrant para kay Penas, nagtangka umanong manlaban ang huli hanggang sa mauwi sa habulan at madugong engkuwentro na ikinabulagta ng suspek.
Nang salakayin ng pulisya ang iba pang target, 12 katao na ‘di tinukoy ang mga pangalan at pawang sangkot umano sa droga ang nadakma sa operasyon.