MANILA, Philippines — Patay ang isang radio broadcaster na kandidatong konsehal makaraang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa national highway ng La Libertad, Negros Oriental nitong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ang nasawing biktima na si Gabriel Alburo, 50-anyos, announcer ng DYCL Light Radio, residente at kumakandidatong konsehal sa Guihulngan City, Negros Oriental.
Sa ulat ng Police Regional Office 7, bandang alas-3 ng madaling araw habang lulan ng motorsiklo si Alburo at binabagtas ang kahabaan ng national highway sa bahagi ng Brgy. North Poblacion ng nasabing bayan nang buntutan ng mga armadong riding-in-tandem at pagbabarilin.
Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw na sumapol sa katawan ng nasabing announcer na nasawi noon din sa insidente.
Ang mga salarin ay mabilis na nagsitakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon na sinamantala ang kadiliman ng paligid.
Galing umano sa sabungan ang biktima na may nakaalitan sa pustahan bago umalis pauwi sa kanilang tahanan.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng krimen at kabilang sa sinisilip na anggulo ay pulitika, trabaho nito bilang mediaman at personal na alitan.