MANILA, Philippines — Ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, binulaga ng trahedya ang Antipolo City Jail sa Rizal makaraan itong tupukin ng apoy na ikinasawi ng isang 84-anyos na preso habang 24 pa ang nasugatan nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang nasawing inmate na si Cesar Organo, nahaharap sa kasong rape na bagaman naisugod pa sa Rizal Provincial Hospital System Annex II ay idineklarang dead-on-arrival.
Si Organo ay naipit sa stampede na dumaing ng paninikip ng paghinga sa kasagsagan ng sunog at idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan.
Nasa 24 pang inmate ang isinugod sa iba’t ibang pagamutan makaraang makalanghap ng matinding usok habang ang iba ay nagtamo ng mga sugat sa katawan bunga ng insidente.
“Five of the 23 PDL were still in the hospital for medication while the rest were returned to their cells past midnight,” pahayag ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson Chief Inspector Xavier Solda.
Ayon kay Solda, habang nasusunog ang jail ay sinamantalang tumakas ng presong si Michael Zymon Dig, may kasong 2 counts ng robbery at paglabag sa Presidential Decree (PD) 9. Gayunman, agad din siyang sumuko dakong alas-10:20 ng umaga nitong Biyernes na sinamahan ng kanyang pamilya at ipinasa sa mga awtoridad.
Base sa ulat ng Antipolo City Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-8 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa cell number 10 ng piitan sa Brgy. San Jose, Antipolo City. Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing selda kung saan mistulang sardinas na nagsisiksikan ang mga inmates. Nagpanik ang mga preso matapos na makitang nasusunog ang nasabing selda sanhi upang magpanakbuhan at magkaroon ng stampede na ikinaipit ni Organo.
Mabilis namang nagresponde ang Antipolo City Police Office, Bureau of Fire Protection, Fire and Rescue units ng pamahalaang lungsod ng Antipolo City, mga opisyal ng Brgy. San Jose at iba pang volunteers para sagipin ang mga nakakulong.
Bandang alas-8:41 ng gabi nang ideklarang “under control” ng mga bumbero ang sunog na umabot ng ikalawang alarma bago tuluyang naapula dakong alas-8:55 ng gabi.
Samantala, agad na nagsagawa ng head count sa mga inmates ang Antipolo BJMP sa pamumuno ni City Warden Jail Supt. Mirasol Vitor, at nakumpirmang nasa kustodya na nilang lahat ang kabuuang 1,471 preso sa naturang bilangguan.
Pansamantalang inilipat sa Cainta Municipal Jail at Cardona Municipal Jail ang mga preso habang isinasailalim sa rehabilitasyon ang nasunog na piitan.