Magkapatid na paslit, patay sa sunog
MANILA, Philippines — Isang malungkot na Bagong Taon ang pagsasaluhan ng pamilya ng magkapatid na paslit makaraang masawi nang makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Binangonan, Rizal, kamakalawa ng gabi.
Ang magkapatid na biktima ay nakilalang sina Joanna Villapando, 9 na buwang gulang, at Jonalyn Villapando, 1-taon at 11 buwang gulang.
Batay sa ulat ni SFO2 Armando Mejorada, ng Binangonan Fire Department, nabatid na dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang sunog sa tahanan ng mga biktima sa Brgy. Libis, sa naturang bayan.
Ayon kay Jenny Guingona, ina ng mga biktima, iniwan niya ang kanyang mga anak sa loob ng kanilang bahay upang bumili lamang ng makakain nilang pang-almusal.
Wala umanong kasama ang mga bata dahil ang ama ng mga ito na si Ricky Villapando ay pumasok sa trabaho.
Laking panlulumo ng ginang nang pagbalik niya ay nagliliyab na ang kanilang tahanan at dahil gawa lamang sa light materials ay mabilis itong tinupok ng apoy.
Hindi na nagawa pang iligtas ng ginang ang kanyang dalawang anak dahil malaki na at kalat na sa kanilang buong kabahayan ang apoy.
Wala naman ibang tahanan ang nadamay sa sunog dahil malayo ang agwat nito sa ibang mga bahay.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga otoridad para mabatid ang pinagmulan ng apoy.
- Latest