Korapsyon sa kilusan, ‘di nasikmura
MANILA, Philippines — Dahil sa umano’y garapalang korapsyon sa liderato ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sumuko ang isang lider ng rebeldeng grupo at buong unit nito na binubuo ng 19 miyembro sa tropa ng militar sa Eastern Mindanao kamakalawa o mismong araw ng Pasko.
Ayon kay Lt. Col. Ezra Balagtey, spokesman ng AFP Eastern Mindanao Command, ang mga nagsisukong NPA rebels ay mula sa buong unit ng Guerilla Front (GF) Front 3 at Pulang Bagani Command 4 na nag-ooperate sa hangganan ng Agusan del Sur at Compostella Valley.
Sa report ni Brig. Gen. Andres Centino, commander ng 401st Infantry Brigade (IB) ng Philippine Army na nakabase sa Prosperidad, Agusan del Sur, ang mga nagsisukong rebelde ay pinamumunuan ng isang alyas Ka Mark, commanding officer ng Guerilla Front (GF)-3 ng NPA.
Sa pahayag ni Ka Mark, nagdesisyon ang kanilang grupo na magbalik-loob sa gobyerno dahil hindi na nila masikmura ang garapalang korapsyon sa hanay ng CPP-NPA. Pagod na rin umano sila sa matinding military pressure lalo pa at ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdurog sa NPA.Isinurender ng grupo ni Ka Mark sa tropa ng militar ang isang M203 rifle, anim na M16 rifles, isang M653 rifle, isang M14 rifle, apat na pistol, dalawang granada, tatlong radio at mahigit libong mga bala ng M16 at M14 rifles.