MANILA, Philippines — Dalawang konsehal ng Subic ang nasugatan makaraang tambangan at paulanan ng bala ng hindi pa kilalang kalalakihan habang bumabagtas ang dalawa sa national highway ng San Narciso sa Zambales nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Subic Municipal Councilors Roberto Delgado, 50, at Elizaldy Rocafor, 47.
Si Rocafor ay nasa ligtas na umanong kondisyon habang inoobserbahan ang kalagayan ni Delgado na nananatiling nasa Intensive care Unit (ICU) ng San Marcelino District Hospital.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, dakong alas-6 ng gabi habang lulan ng kulay abong Toyota Fortuner ang dalawang konsehal at bumabagtas sa highway ng Purok 1, Sitio Samat, Brgy. Siminublan, nang pagbabarilin ng mga suspek sakay ng isang kulay pulang behikulo na walang plaka. Sinundan ng mga suspek ang behikulo ng mga biktima at pagsapit sa lugar ay nag-overtake ang kanilang sinasakyan saka pinagbabaril ang mga target. Ilang saglit pa ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek na tumahak patungo sa hilagang direksyon ng nasabing lugar.
Sinisilip ng pulisya ang anggulong pulitika sa motibo sa tangkang paglikida sa dalawang LGU officials ng Subic bagama’t kapwa last termer na sila bilang mga konsehal at hindi na tatakbo pa sa anumang posisyon sa darating na May 2019 midterm elections.
Kinondena ni Coronel ang pananambang at hinikayat ang publiko na magbigay ng impormasyon ukol sa ikalulutas ng krimen sa kanyang hotline: 09998838327 at 09176235700.