CAVITE , Philippines — Arestado ang dalawang umano’y tulak kabilang ang isang therapist habang apat nilang kustomer ang naaktuhan ng pulisya habang nagpa-pot session sa isang bahay na ginawang drug den sa Green Valley Subd. Brgy. Molino 2, Bacoor City kamakalawa.
Kinilala ni Psupt Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor Police ang mga nadakmang suspek na sina, Yasser Ahmad alias Jay, 27, therapist, residente ng Rosas Street, Brgy. Molino II, Bacoor City, Cavite at Kenneth Austria, 26-anyos, installer, ng Dalia St., Green Valley Subd., Molino II, Bacoor City, mga tinaguriang bigtime pusher habang ang mga napa-pot session ay sina Roi Anthony Cesista alias Roi, 22, driver ng Rosas Street Brgy Molino II; Jobert Bangsal alias Jojo, 30, ng Rose Street, Talon Uno, Las Piñas City; Benigno Salazar, 35, driver ng Block 2 Lot 5, Ridge Town Woodwings Street, Molino 6, Bacoor City at Shaina Suarez alias Yesha, 23, ng Tandang Sora, Pasong Tamo, Quezon City.
Sa ulat ng pulisya, ganap na alas-9:30 ng gabi nang isagawa ng Bacoor Police kasama ang PDEA-4A ang buy-bust operation sa Dalia Street, Green Valley Subd. laban kina Ahmad at Austria sa kanilang hideout na ginawang drug den. Naaktuhan sa loob ang apat pang katao na nagsasagawa ng shabu session.
Nakumpiska sa raid ang 11 plastic sachet ng shabu na nasa mahigit 60 gramo.