Sundalo patay sa Sulu encounter
MANILA, Philippines — Nagbuwis ng buhay ang isang sundalo makaraang makasagupa ang grupo ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa bakbakan sa Brgy. Bungkaong, Patikul, Sulu kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Col. Gerry Besana, spokesman ng AFP Western Mindanao Command ang nasawing sundalo na si Corporal Herald Marayag na idineklarang dead-on- arrival sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista sa Jolo, Sulu. Bandang alas- 5:30 ng hapon nang mangyari ang engkuwentro sa pagitan ng Army’s 21st Infantry Battalion at nasa 30 bandidong ASG sa pamumuno ni Almuder Yadah.
Kasalukuyang nagsasagawa ng combat operation ang tropa ng militar nang masabat ang grupo ni Yadah na nagresulta sa bakbakan. Ang palitan ng putok ay tumagal ng may 30 minuto na ikinasawi ni Marayag habang mabilis namang nagsitakas ang mga kalaban bitbit ang mga sugatan at posibleng nasawi sa kanilang panig. Narekober sa encounter site ang isang M14 rifle, tatlong magazine at isang bandolier na naiwan ng mga nagsitakas na bandido.
- Latest