Bahay ng CIDG-ARMM chief grinanada
MANILA, Philippines — Niyanig ng malakas na pagsabog ang bahay ng hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-Autonomous Region in Muslim Mindanao (CIDG-ARMM) matapos na hagisan ng granada ng hindi pa nakilalang mga salarin kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng ARMM Police, dakong alas-2 ng madaling araw nang pasabugan ng granada ang tahanan ni Chief Inspector Esmael Madin sa Brgy. Bulalo, Sultan Kudarat, Maguindanao.
Wala namang naiulat na nasaktan at nasugatan sa pamilya ng opisyal pero lumikha ito ng kanilang matinding pagkatakot.
Sinabi ng opisyal na may ideya na siya sa mga nasa likod ng pagsabog kaugnay ng patuloy na pagbabanta sa kanyang buhay pero tumanggi siyang idetalye ito.
Sa teorya naman ng mga imbestigador, ang mga umatake sa bahay ng hepe ay mula sa grupong kriminal na nalansag ng CIDG sa kanilang mga operasyon.
Ang mga suspek ay mabilis na nagsitakas patungo sa hindi malamang destinasyon matapos ang insidente.
- Latest