Sa paglabag sa gun ban, pananakot
MANILA, Philippines — Labing-apat na katao kabilang ang isang alkalde ang inaresto ng mga awtoridad kaugnay ng paglabag sa Omnibus Election Code sa operasyon sa Brgy. Poblacion, Tampilisan, Zamboanga del Norte nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mga ito na sina Tampilisan Mayor Angeles Carloto II, 57-anyos; Tampilisan Vice Mayor Generico Jauculan, 48; Victory Gegrimosa, 41, empleyado ng munisipyo ng Tampilisan; mga supporters na sina Sally Rejas, 42; Federico Rapal, 59; Bernandita Gulagula, 64, brgy. kagawad ng Brgy Camul Tampilisan; Pablo Buenavides Jr. 38; Brgy. Chairman Marlon Andus, 36, ng Brgy. Malila Tampilisan; Marlou Buenafe, 47, brgy councilor ng Brgy Camul Tampilisan; Richard Halopay, 28; mga pulis na sina PO3 Carim Magallion, 34; PO2 Eliaquim Taman, 33; PO1 Katherine Benedicto, 36; pawang kasapi ng Tampilisan Municipal Police Station (MPS) at PO1 Jasser Rada Fabillar, 30, nakatalaga sa Leon Postigo Municipal Police Station.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 9 Director Chief Supt. Emmanuel Licup, sina Mayor Carloto at mga kasamahan nito ay inaresto ng Zamboanga del Norte Provincial Mobile Force Company, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 9 at Tampilisan MPS sa municipal building ng nasabing bayan dakong alas-8 ng gabi sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Oscar Tomarong ng Branch 28, 9th Regional Trial Court, Zamboanga del Norte na inisyu noong Nob. 29, 2018.
Ang mga nabanggit ay kinasuhan dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code kaugnay ng pagtakbo nila sa midterm polls sa Mayo.
Nabatid na inakusahan ng kanyang mahigpit na kalaban sa pulitika ang kampo ng alkalde ng paglabag sa gun ban at umano’y pananakot sa kanila at mga tagasuporta.
Naglaan ang korte ng tig P75,000.00 piyansa sa bawat isang naaresto.
Isinailalim sa kustodya ng Tampilisan MPS ang mga nasakote para sa kaukulang disposisyon.