MANILA, Philippines — Labing-isang dalagita na biktima ng human trafficking ang nasagip ng mga otoridad habang dakma naman ang umano’y bugaw ng mga ito sa ikinasang entrapment operation sa lungsod ng Antipolo, kamakalawa ng gabi.
Ang mga nasagip na biktima na hindi na pinangalanan na pawang nasa edad 15 hanggang 17 ay nasa pangangalaga na ngayon ng City Social Welfare and Development (CSWD) ng Antipolo City, habang ang nasakoteng suspek ay kinilala ng pulisya na si Louie Albert Isla, alyas ‘LA,’ 33, at residente ng Blk 6, Lt 4, Maris Town Homes, Brgy. San Roque, Antipolo City.
Dakong alas-9:00 ng gabi nang ikasa ang operasyon laban sa suspek sa Hallies Bar and Grill na matatagpuan sa Sen. Sumulong Memorial Cirlce sa naturang barangay.
Isang pulis ang nagpanggap na seaman at umorder ng apat na babae sa suspek na makaraan ang ilang saglit ay bumalik at kasama na ang 11 dalagita upang may mapagpilian umano.
Natuklasan sa pagmamanman ng mga pulis, na sa bahay ng suspek tumatambay ang mga dalagita na ‘ipinagbibili’ umano sa halagang P1,500 hanggang P50,000, kung virgin pa ito.
Ang tahanan ng suspek ang siya rin umanong nagsisilbing “sex den,” sanhi upang mabahala ang mga kapitbahay nito kaya ipinagbigay-alam sa otoridad ang mga kahina-hinalang akitibad.
Natagpuan din ng mga pulis sa bahay ang mga damit ng mga biktima. May mga bag at uniform din na pang-high school.