MANILA, Philippines — May ‘persons of interest’ na at pagkalulong sa sugal ang isa sa dalawang anggulo ang tinitignan ng pulisya sa motibo ng pagpaslang sa abogado ng human rights group nang ratratin ito ng armadong riding-in-tandem nitong Martes ng gabi sa Kabankalan City, Negros Occidental, ayon sa opisyal kahapon.
Ito ang nabatid kahapon kay Police Regional Office (PRO) 6 Director P/Chief Supt. John Bulalacao habang patuloy ang masusing imbestigasyon upang resolbahin ang kaso ng pagpatay kay Atty. Benjamin Tarug Ramos Jr.
“As of this time we already have persons of interest being considered. And one of the angles being explored is his professional practice as lawyer”, ani Bulalacao.
Samantala, ang isa pang anggulo na sinisipat ng mga otoridad ay ang umano’y pagkalulong ni Ramos sa sugal na posibleng isa rin sa motibo ng pamamaslang. Gayunman, hindi muna tinukoy ng opisyal kung anong uri ng sugal ang kinahuhumalingan ni Ramos dahilan patuloy pa ang kanilang dragnet operations laban sa mga suspek.
“Another angle that is being investigated is his involvement in gambling as he is deeply engaged in such vice.”
Kaugnay nito, tiniyak naman ng opisyal na ginagawa nila ang lahat upang maaresto at maparusahan ng batas ang mga salarin.