100 magsasaka umalma sa ‘panggigipit’ sa Clark

Sa isinagawang diyalogo sa pamunuan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at ng Clark International Airport Corporation (CIAC) kasama pa ang Department of Agriculture (DAR)-Region 3, nadismaya ang mga magsasaka dahil sa wala umanong nangyaring malinaw na usapan matapos nilang kuwestyonin ang tila pangha-harass ng pamunuan ng CIAC.
Walter Bollozos/File

PAMPANGA, Philippines — Umaangal ang nasa 100 magsasaka sa Mabalacat City dahil sa umano’y panggigipit at hindi makatarungang ibinabayad sa kanila ng gobyerno na P30,000 kada hektarya ng kanilang lupang sinasaka sa loob ng Clark Freeport na tinamaan ng Build Build Build Program ng Duterte admi­nistration.

Sa isinagawang diyalogo sa pamunuan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at ng Clark International Airport Corporation (CIAC) kasama pa ang Department of Agriculture (DAR)-Region 3, nadismaya  ang mga magsasaka dahil sa wala umanong nangyaring  malinaw na usapan matapos nilang kuwestyonin ang tila pangha-harass ng pamunuan ng CIAC.

Nabatid sa mga magsasaka na nitong nakaraang Miyerkules, hindi na sila pinahintulutan pang makapasok sa kanilang lupang sinasaka.

Gayunman, matapos nilang isumbong ito sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), saka lamang umano sila pinayagan na makatuntong sa kanilang mga lupaing sinasaka nang makipag-ugnayan na ang VACC-Pampanga sa tanggapan ng CIAC.

Kaugnay nito, nilinaw ni Daniel Dizon, tagapagsalita ng kanilang grupong Cobcom Farmers na napakasakit na sila ay tawaging “informal settlers” dahil naglabas na ng desisyon mula sa mababang hukuman hanggang Korte Suprema na sila ang pinaboran.

Iginiit ni Dizon na  wala pa ang mga Amerikano,  BCDA at CIAC at maging ang CDC o Clark Development Corp ay nandiyan na silang mga farmers kaya sila ang pinaboran ng Court of Appeals sa kaso. 

Ayon naman kay Pyra Lucas, pinuno ng VACC-Region 3, hindi sila titigil hangga’t hindi naibibigay ng gobyerno ang ipinangako sa tamang presyo para sa magsasaka.

Nilinaw din ng mga magsasaka na hindi sila tutol sa proyekto ng gobyerno pero dapat ay tumanggap sila ng tamang kabayaran at  dapat na igalang din ang kanilang karapatan tulad ng malayang pagpasok sa kanilang lupa at itigil ang ginagawang pagputol ng mga kahoy nang walang kaukulang permiso sa magsasakang may-ari nito.

Show comments