LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Isang 40-anyos na lalaki ang nasawi matapos na pagtatagain ng nakababatang kapatid na nairita sa kanilang pagtatalo habang nag-iinuman sa kanilang bahay sa Zone-3, Brgy. Kinalabasahan sa bayan ng Bula, Camarines Sur kamakalawa ng umaga.
Agad na namatay dahil sa dami ng tinamong taga sa katawan ang biktimang si Amancio Sarsuela Naze habang sumuko at sinampahan na ng kaso ng mga pulis ang suspek na si Salvador Sarsuela Naze, 32-anyos, pawang residente ng nasabing barangay.
Sa ulat, dakong alas-8 ng umaga habang nag-iinuman ang magkapatid sa kanilang bahay nang magtalo hinggil sa problema ng kanilang pamilya. Sa gitna ng mainit na pagtatalo, bumunot ng itak si Salvador at pinagtataga sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang nakatatandang kapatid.
Nang makitang patay na ang kapatid ay tumakas ang suspek pero sumuko rin dakong alas-12:30 ng tanghali sa mga opisyal ng barangay na nagdala sa kanya sa Bula Police.