MANILA, Philippines — Binulabog ng pamamaril ang pagdiriwang ng taunang Masskara Festival sa Bacolod City matapos utasin ng ‘di kilalang suspek ang isang 30-anyos na misis habang sugatan ang 2-taong gulang niyang anak kamakalawa.
Kinilala ang nasawing ginang na si Irene Sicano ng Barangay 30, Bacolod City na napuruhan ng bala habang sugatan ang maliit na anak na hindi tinukoy ang pangalan.
Nabatid na abala ang lahat ng mga manonood sa Street and Arena Dance Competition-Barangay Category sa public plaza, nitong Linggo ng gabi nang maganap ang pamamaril.
Sa ulat kay Sr. Insp. Wilfredo Benoman, hepe ng Bacolod City Police Station 6, kasama ng biktima ang kanyang dalawang maliliit na anak at pauwi na sana mula sa panonood ng festival sakay ng electric tricycle nang lapitan ng ‘di kilalang suspek. Bumaba lang ang biktima malapit sa terminal ng bus upang bumili ng ulam nang biglang dumating ang isang sasakyan at bumaba ang mga suspek. Agad na binaril ang biktima ng apat na beses na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay. Ginagamot naman sa isang ospital sa Bacolod ang anak nito matapos madaplisan ng bala sa ulo.