Forced evacuation sa Cagayan, Isabela at Kalinga kay ‘Rosita’
TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Isinagawa ang preemptive forced evacuation o sapilitang pagpapalikas sa mga residente malapit sa flood at landslide prone areas sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Kalinga bilang paghahanda sa pagbagsak ng typhoon Rosita sa Luzon ngayong Martes.
Sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba, inatasan niya ang pulisya at mga opisyal ng barangay na kung maaari ay bitbitin sa evacuation center ang matitigas ang ulo na residente na malapit sa dagat, ilog at kabundukan kung ayaw sumama.
Ayon sa Gobernador hindi na niya kayang tanggapin na muli na namang papalpak ang kanilang paghahanda na kung saan ay anim ang naitalang nasawi mula sa mga bayan ng Gonzaga, Baggao, Iguig at Peñablanca na nasawi noong nanalasa si Typhoon Ompong noong nakaraang Setyembre.
Binalaan ni Mamba ang mga lokal na opisyal na huwag mawawala sa kanilang mga teritoryo habang nananalasa si Rosita.
Sa Isabela iniutos ni Gob. Faustino Dy III ang forced evacuation sa apat na coastal towns na Maconacon, Divilacan, Palanan at Dinapigue kung saan ay dati nang nagpadala ng Provincial Social Welfare and Development ng 5,000 relief boxes bago pa man manalasa si Rosita.
Iniutos din ni Dy ang pagpapalikas sa mga nakatira sa tabi ng ilog sa mga bayan ng San Agustin, Echague, Angadanan at Jones.
Idineklara rin ng dalawang Gobernador at ni Quirino Gov. Junie Cua na walang pasok sa mga paaralan sa lahat ng antas mula noong Lunes hanggang sa Oct. 31.
Inaasahang magkakaroon ng landfall si Rosita ngayong umaga sa pagitan ng Isabela at Quirino.
Sa Tabuk City, Kalinga; ipinanukala na rin ng City Disaster Risk Reduction Management Council ang pagpapalikas sa mga residente sa tabi ng Chico River at mga landslide prone areas sa kabundukan.
- Latest