Bus hulog sa bangin: Lolo patay, 22 sugatan
MANILA, Philippines — Isang senior citizen ang nasawi habang 22 pa katao ang nasugatan makaraang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang bus at nagpagulung-gulong pa sa isang farm sa Brgy. Balintawak, Aurora, Zamboanga del Sur nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang biktimang matanda na si Rogelio Alagenio, nagtamo ng matinding sugat sa katawan partikular na sa paghampas ng ulo nito na siya nitong ikinamatay.
Isinugod naman sa iba’t-ibang pagamutan ang 22 pang mga nasugatang biktima kabilang ang driver at konduktor ng bus.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 9, nangyari ang aksidente sa kahabaan ng highway ng Brgy. Balintawak, Aurora dakong alas-3:25 ng hapon. Kasalukuyang bumabagtas sa highway ang Rural Transit bus na may body number 9044 na minamaneho ni Andres Bacaling nang mangyari ang insidente.
Ang nasabing bus ay galing Ozamis City, Misamis Occidental at patungong Pagadian City, Zamboanga del Sur nang mawalan umano ng preno sanhi para mahulog sa bangin at dire-diretso sa isang flower farm kung saan ayon sa mga nakasaksi ay nagpagulung-gulong pa ito hanggang sa masira ang nasabing taniman. Hindi na rin maaani ang ilang mga tanim ng bulaklak na nakatakda na sanang pitasin para sa nalalapit na Undas.
Ayon sa mga nakaligtas, masyadong matulin ang takbo ng bus bunsod ng aksidente. (Joy Cantos)
- Latest