CAVITE , Philippines — Bumagsak sa kamay ng pulisya ang umano’y notoryus na lider ng “Basag Kotse Gang” na responsable sa sunod-sunod na pambibiktima sa buong National Capital Region, Region 3 at Region 4-A matapos silang ma-track sa GPS ng ipad na kanilang tinangay at masukol sa Tagaytay City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang sinasabing lider na si Von Christian De Leon Magcanan, 32, ng Brgy. 253, Tondo, Manila habang nakatakas ang kasamang miyembro ng grupo na si Mark Fernandez matapos ang habulan na nakaabot pa ng Tagaytay.
Sa ulat, alas-8 :30 ng gabi nang umano’y basagin ng mga suspek ang kaliwang bahagi ng salamin ng naka-park na Mitsubishi Montero sa may Veal Burger Restaurant sa kahabaan ng Molino Boulevard sa Brgy. Bayanan, Bacoor at tinangay ang mga mahahalagang gamit sa loob nito kabilang ang isang Ipad ng biktima.
Lingid sa kaalaman ng mga suspek, naka-active ang GPS ng nasabing ipad na kanilang nakulimbat at tuluyang tumakas sakay ng motorsiklo na Mio Black (7856 XZ) patungong Tagaytay City.
Dahil sa GPS ng nasabing ipad, natunton ng pulisya ang kinaroroonan ng mga suspek hanggang sa masabat sila sa Tagaytay at nagkaroon ng ilang minutong habulan. Nakorner si Magcanan habang nakatakas si Fernandez.
Narekober sa suspek ang anim na bag na posibleng pag-aari ng kanilang mga nabiktima. Nakuha rin sa loob ng brief ng suspek ang 10 sachet ng shabu na nasa 1.78 gramo.
Inamin naman ng suspek na ng nasabing araw, nakatatlong lugar sila ng operasyon ng Basag Kotse kung saan una silang nambiktima sa Sto. Tomas, Batangas at sumunod sa Calamba, Laguna. Huli nilang tinarget ay ang nasabing Montero sa Bacoor City. Nakatakda pa sana silang mag-operate sa Tagaytay City kung saan sila natunton.