2 bystander nasapol ng bala
NORTH COTABATO , Philippines — Isang kandidato ng Nacionalista Party sa pagka-board member sa ikalawang distrito ng Maguindanao ang nalagas kasama ang kanyang apo makaraang pagbabarilin ng ‘di pa nakilalang gunmen habang namamalengke sa public market ng Poblacion Kabacan, hapon nitong linggo.
Kinilala ang mga nasawi na sina Susan Baldestamon Montawal, 48, misis ng dating bise alkalde ng Montawal, Maguindanao at apong si Datu Harris Montawal, 17-anyos, Grade 12 student, pawang residente ng Datu Montawal, Maguindanao, dahil sa mga tama ng bala sa ulo.
Sa ulat kay P/Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, dakong alas-4 ng hapon habang pasakay na ang mag-lola sa kanilang Foton van sa harap ng J-Maes Bakeshop matapos na mamalengke at mag-groceries sa naturang public market nang pagbabarilin ng mga suspek.
Minalas ding tamaan ng ligaw na bala ang dalawang bystander na sina Totin Ebrahim, 61, at Sol Luneta, 42, guro sa elementarya.
Mabilis na isinugod ang mga biktima sa Kabacan Medical Specialist pero ‘di na umabot nang buhay ang mag-lola habang ang dalawang sugatan ay dinala sa Kabacan Polymedic Hospital.
Ayon naman kay P/Chief Inps. Ronnie Cordero, hepe ng Kabacan Police, isa ang rido sa mga anggulong kanilang tinututukan habang ‘di rin nila isinasantabi ang pulitika sa motibo sa pagpatay.