Karambola ng 12 sasakyan: 6 patay! 8 pa sugatan

Ang mga nasawi at sugatang biktima na naipit at nagkalat sa daan habang wasak na wasak ang may 12 sasakyan kabilang ang isang truck na unang umararo sa mga ito at magkarambola sa Maharlika Highway sa Daraga kahapon ng umaga.
Jorge Hallare/Albay PPO

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Anim na katao ang kumpirmadong nasawi habang walo ang suga­tan matapos araruhin ng isang dump truck na kargado ng malalaking tipak ng bato ang 11 pang sasakyan sanhi ng karambola sa kahabaan ng Maharlika Highway simula sa Brgy. Malabog hanggang sa Brgy. Busay sa bayan ng Daraga, ng lalawigan kahapon ng umaga.

Dead-on-the-spot sina Bvet Buendia, 45, ng Brgy. Cabangan, Camalig; John Patrick Nomo, 24, ng Guinobatan; Kathlym Altavano, 22, ng Brgy. Malabog, Daraga at isang ‘di pa kilalang driver ng nakabanggang dump truck na napisak matapos maipit sa loob ng minamanehong sasakyan.

Namatay naman ha­bang nilalapatan ng lunas sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sina Sandy Bonsa, ng Brgy. Calzada, Guinobatan at Gina Altavano, 46, ng Brgy.Malabog, Daraga.

Nilalapatan naman ng lunas ang mga sugatang sina Salvador Alegre, Rodolf Loterte, Arnel Luces, Antonio Nebres, Jonathan Bajamundi, Jonel Perez at ang mga bystander na sina Freleda Miralpez at Janine Nobleza.

Ayon sa ulat ni Sr. Insp. Mayvelle Gonzales, tagapagsalita ng Albay Police, dakong alas-10 ng umaga habang binabagtas ng dump truck (WCD-350) na kargado ng boulder at minamaneho ng ‘di pa kilalang driver nang mawalan ng preno at binangga ang sinusundang dalawang tricycle sa Brgy. Malabog kung saan sa lakas ng pagkakasalpok ay bumangga ang tricycle sa puno at tumilapon ang sakay na si Bvet na agad namatay. Dahil sa nawalan ng preno, nagtuloy-tuloy pa ang dump truck hanggang sa Brgy. Busay at doon ay inararo pa ang mga motorsiklo, SUV, dalawang pampasaherong jeep at ilan pang sasakyan sanhi ng karambola.

Agad sinaklolohan ng mga rumespondeng pulis at Albay Rescue Team ang lahat ng mga biktima at isinugod sa nasabing hospital.

Nagdulot naman ng matinding trapik ang aksidente sa lugar.

Patuloy pa ang gina­gawang imbestigasyon ang Daraga Police sa insidente.

Show comments