2 ‘tulak’ utas, 8 huli sa drug ops
BULACAN , Philippines — Dalawang umano’y notoryus na tulak ang magkasunod na nasawi habang walong iba pa kabilang ang isang lalaking miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) ang naaresto ng pulisya sa isinagawang drug bust operation sa magkakahiwalay na bayan dito, Martes ng gabi at Miyerkules ng madaling araw.
Nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawan na nagresulta ng agarang kamatayan ng mga suspek na sina Rusty Vidal, 34, ng Lingunan, Valenzuela City; at alyas “Long Hair”,nasa hustong gulang, walang permanenteng tirahan.
Sa ulat sa Kampo Alejo Santos, dakong alas-2:30 ng madaling araw nag-deal ang poseur buyer na pulis kay Vidal sa Bancal Ext., Brgy. Bancal, Meycauayan City at habang nagaganap ang bentahan ay nakahalata kaya nagtangkang kumasa ng kanyang armas subalit naunahan siya ng pulis na paputukan na kanyang ikinasawi habang napatay si alyas Long Hair habang nagpapalitan ng droga at marked money sa isang lugar sa Brgy. Caingin, San Rafael dakong alas-3:30 ng madaling araw.
Naaresto naman sa iba pang operasyon ng pulisya ang mga drug suspect kabilang ang SK member na si Ryan Christian Fajardo, sa bayan ng Paombong habang ang iba naman ay nadakip sa Meycauayan City, San Rafael, Guiguinto, Marilao at Santa Maria.
Narekober sa dalawang nasawi ang isang .38 revolver, isang .45 kalibre, mga basyo ng bala, 9 sachet ng shabu, at dalawang tig-P500 marked money habang nakuha sa walong suspek ang 27 sachet ng shabu, isang pakete at apat na sticks ng marijuana, mga drug paraphernalia at marked money.
- Latest