MANILA, Philippines — Umalma ang may 4,000 botante na sumusuporta sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Cotabato City na nanganganib na mabura sa Comelec voters’ list matapos ang isinusulong na diskuwalipikasyon laban sa kanila at inakusahan si Mayor Cynthia Guiani Sayadi na siya umanong nasa likod nito na layong “walisin” ang kanyang mga kalaban sa pulitika.
Magugunita na nagsampa ng petisyon ang mga kapitan ng barangay ng Cotabato City sa Comelec local’s office na humihiling na alisin sa voters’ list ang libu-libong rehistradong botante, dahil hindi umano sila lehitimong nakatira sa lungsod.
Sinasabi na pinakilos umano ni Mayor Sayadi ang mga barangay leaders upang mabura sa listahan ang libu-libong botante maging ng mga kilalang lider sa Mindanao kabilang na sina dating Bangsamoro Transition Commission (BTC) chairman at ngayo’y chairman ng MILF Implementing Panel Mohagher Iqbal, Maguindanao at Cotabato City Congresswoman at BOL champion Bai Sandra Sema. Ito ay sa kabila ng pagiging matagal nang residente ng Cotabato City ng dalawang prominenteng lider na nagkataong kapwa rin masigasig na nagsusulong ng BOL.
Ang pagkilos ng mga opisyal ng barangay ay pinaniniwalaang may kumpas ni Mayor Sayadi na matagal nang humahadlang at tumutuligsa sa BOL at sa pagsama sa Cotabato City bilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Noong Hulyo, sinabi umano ni Mayor Sayadi na makatatayong mag-isa ang Cotabato City kahit hindi ito mapabilang sa BARMM. Aniya, mahigit sa 300,000 mamamayan ng lungsod ang diumano’y tutol sa BARMM kung gagawin ang plebisito ng mga oras na iyon.