Lider ng Dawlah Islamiyah, kapatid utas sa encounter

Kinilala ang mga napatay na magkapatid na sina Norhan at Norton Sinapan.
File Photo

MANILA, Philippines — Napaslang ang isang pinaghihinalaang lider ng teroristang Dawlah Islamiyah at kapatid nito makaraang makaengkuwentro ang pinagsanib na elemento ng pulisya at militar nang puma­lag habang isinisilbi ang warrant of arrest sa Hagonoy, Davao del Sur kamakalawa.

 Kinilala ang mga napatay na magkapatid na sina Norhan at Norton Sinapan.

Si Norhan ay dead-on-the-spot sa lugar habang si Norton na umano’y lider ng sleeper cell ng Dawlah Islamiyah sa lalawigan ay dead-on-arrival sa ospital. Ang magkapatid na terror suspects ay nagplaplano umanong magsagawa ng pambobomba sa mga lungsod sa Davao Region.

Sa report ni Davao del Sur Provincial Police Office Director P/Sr. Supt. Ferlu Silvio, dakong alas-11:20 ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang Regional Intelligence Unit, iba pang units ng pulisya at intelligence operatives ng militar laban sa magkapatid na miyembro ng naturang teroristang grupo. Sa halip na sumuko habang isinisilbi ng security forces ang arrest warrant, nanlaban ang mga suspek na pinaputukan ang mga operatiba na nauwi sa shootout na ikinasawi ng mag-utol.

Narekober sa encounter site ang isang handgun, dalawang granada, isang Improvised Explosive Device (IED), mga personal na kagamitan at dalawang kulay itim na bandila na ginagamit ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

Show comments