MANILA, Philippines — Dalawang retiradong pulis ang inaresto ng kanilang mga dating kabaro sa kaso ng drug trade habang ang isa ay akusado sa panggagahasa ng sariling anak sa magkahiwalay na operasyon sa Bulacan at Abra kamakalawa.
Sa ulat ng Central Luzon Police, natiklo sa isang buy-bust operation sa Meycauayan City, Bulacan si dating SPO1 Rogaciano Geronimo, 57, matapos magbenta ng 10.6 gramo ng shabu na halagang P72,000 sa isang police poseur-buyer sa Brgy. Bayugo.
Si Geronimo ay isang High Value Target at nasa drugs watchlist ng mga otoridad sa naturang lungsod.
Nakuha rin sa dating pulis ang isang kalibre .45 na boga.
Sa Sallapadan, Abra sinilbihan ng warrant of arrest si dating PO3 Erasmo Barroga sa kasong rape sa kanyang lungga sa Brgy. Biklat.
Ayon sa pulisya, mismong anak na dalagita ni Barroga na taga-bayan ng Bucay, Abra ang nagsampa ng kaso laban sa kanya.