Trader ng kalabaw, patay sa ambush!
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nasawi ang isang 46-anyos na mamimili ng kalabaw at baka habang sugatan ang kanyang kasama matapos harangin sa daan at pagbabarilin ng anim na armadong kalalakihan sa Zone 5, Brgy. Sagrada, bayan ng Libon sa lalawigan kamaka-lawa ng umaga.
Nakatakbo pa nang malayo bago nalagutan ng hininga ang biktimang si Eddie Rodriguez, ng Brgy.Villa Petrona habang naisugod sa ospital ng mga sumaklolong residente ang kasama nitong si Hermie Guevara, 56-anyos.
Sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga, pauwi na ang mga biktima mula sa Brgy. San Antonio lulan ng motorsiklo na minamaneho ni Rodriguez makaraang maghanap ng mabibi-ling baka at kalabaw.
Gayunman, pagsapit sa nasabing lugar ng bigla silang pinagbabaril ng mga nakaabang na anim na suspek na armado ng maiigsing baril. Kahit sugatan kumaripas ng takbo ang dalawa habang hinahabol ng putok ng mga gunmen. Nakatakbo pa nang mahigit 300 metro mula sa lugar ng pamamaril si Ro-driguez pero nalagutan ng hininga sa tabi ng bunk house ng isang construction company habang nakarating naman sa karatig na barangay ng Bonbon si Guevara at nakahingi ng saklolo sa mga residente na nagsugod sa kanya sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng kalibre 9mm, kalibre 45 at kalibre 38 baril.
- Latest