LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Minalas na maaresto ang dalawang holdaper matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo ng isang pampasaherong jeep habang tumatakas makaraang mangholdap sa panulukan ng Imelda Roces Avenue at Vel-Amor Subdivision, sa Brgy. 18, ng lungsod kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina Richard Olavario, 20, ng Brgy. Dap-dap at Melvin Dagsil, 37, ng Victory Village.
Nabawi naman ang ninakaw na bag ng biktima na si Aldrein Jeini Bonafe Relova, 27, ng Vel-Amor Subdivision na may lamang personal na gamit at wallet na may lamang P30,000.
Sa ulat, dakong alas-8:30 ng umaga habang naglalakad pauwi si Relova nang biglang tumigil sa kanyang tabi ang motorsiklo lulan ang dalawang suspek at tinutukan ng baril ang biktima saka nagdeklara ng holdap. Nabigla man ay kumaripas ng takbo si Relova pero hinabol ng mga suspek at hinablot ang kanyang dalang bag.
Gayunman, habang papatakas ang mga suspek nabangga ng pampasaherong jeep ang kanilang motorsiklo dahilan para sila ay sumemplang na ikinasukol ng sugatang si Olavario habang nakatakas si Dagsil.
Sa pagtugis ng mga pulis, naaresto si Dagsil sa kanyang bahay at narekober ang mga ninakaw sa biktima, kalibre 38 baril at dalawang sachet ng shabu.