MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang matinding selos ang dahilan upang sapitin ng isang Guest Relations Officer (GRO) na tatlong buwang buntis ang kalunus-lunos na kamatayan sa kamay ng kanyang nobyo matapos ataduhin ng saksak habang nagtatalo sa isang lugar sa Brgy. Maronquillo sa bayan ng San Rafael sa Bulacan, kamakalawa ng madaling araw.
Naisugod pa sa pagamutan ngunit sawing-palad na idineklarang dead-on-arrival bunsod ng maraming tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Ann Arcega, 30-anyos, at residente ng Brgy. Matictic sa bayan ng Norzagaray.
Agad namang nadakip sa isang follow-up operation ng mga otoridad ang suspek na si Jayson Bidaja, 34, binata, taga-Brgy. Pulo sa bayan ng San Rafael.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang puntahan ng suspek ang biktima sa pinapasukan nitong establisyimento upang yayaing kumain ng lugaw kasama ang isa pang kaibigan ng biktima na si Agnes Antiquerra, 20.
Sakay ang tatlo ng minamanehong motor ng suspek nang patungo na sa lugawan nang magkaroon umano ng pagtatalo ang magnobyo dahilan upang ibaba ng suspek ang magkaibigan sa harapan ng isang paaralan at saka umuwi para kumuha ng isang mahabang patalim.
Nang makabalik sa naturang lugar ay muling nagtalo ang dalawa kung saan dito na walang habas na pinagsasaksak ng suspek ang biktima hanggang sa duguang bumulagta habang agad namang nakatawag ng responde ang kaibigan nito na nagresulta sa pagkakaaresto nito at pagkakarekober ng kutsilyong ginamit sa pamamaslang.