MANILA, Philippines — Arestado ang isang bagitong alagad ng batas makaraang masangkot sa pamamaril ng isang sibilyan bunsod ng mainitang pagtatalo sa isang internet café sa Calle Santo Niño, Brgy. Ayala, Zamboanga City kamakalawa ng gabi.
Nahaharap ngayon sa kasong administratibo at kriminal ang suspek na si SPO1 Ryan Mariano, 33-anyos, may asawa at nakatalaga sa Camp Crame sa Quezon City.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan matapos na magtamo ng sugat sa mukha ang biktimang si Juan Tolorion, 39 taong gulang.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:50 ng gabi, kapwa nasa loob ng internet café ang suspek at ang biktima nang magkainitan ang mga ito na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Sa puntong ito ay nairita ang nasabing parak na agad binaril ang biktima gamit ang cal. 45 pistol kung saan ay tinamaan ito sa kaliwang bahagi ng kaniyang mukha.
Narekober sa crime scene ang pitong basyo ng bala ng cal. 45 pistol at ang nasabing armas.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang parak na nahaharap sa kasong frustrated murder at illegal possession of firearm and ammunition.