NORTH COTABATO, Philippines — Nagpasaklolo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pamunuan ng Bombo Radyo Philippines na paimbestigahan ang paggamit sa pulis at NBI personnel para harasin ang mga kagawad ng media.
Ayon kay Orly Pangcog, senior area manager ng network, marapat lamang na busisiin ng Presidential Task Force on Media Security ang panibagong paraan ng mga pulis at NBI personnel para harasin ang mga taong nasa media, at alamin kung tumanggap din sila ng pera sa nasabing operasyon.
Sa isang pahayag, mariing kinokondena ng pamunuan ng network ang nangyaring frame up sa umano’y isinagawang entrapment laban sa station manager at news director ng Bombo Radyo-GenSan nitong Setyembre 18.
Anila, hindi kailanman pinapayagan ng Bombo Radyo Philippines ang anumang uri ng korupsyon sa hanay ng kanilang mga broadcasters o maging sa mga station officers na tahasang tumatalakay sa mga isyu ng public interest.
Batay sa ulat, frame up umano ang sinapit ni Bombo GenSan station manager Mr. Jonathan Macailing at anchorman Salvador Galano matapos na makipagkita kay “KAPA” (Kabus-Padatoon) group founder na si Mr. Joel Apolinario at mabitag sa ikinasang entrapment operation.
Nitong Miyerkules ay pormal nang kinasuhan ng robbery extortion sa Prosecutor’s Office sina Macailing at Galano.
Samantala, iginiit naman ni Macailing na frame up lang ang nangyari at walang katotohanan ang bintang laban sa kanya at lalabas din umano ang katotohanan.
Idiniin pa nito na hindi niya nahawakan ang pera ng negosyanteng group founder bagkus ang kanilang transaksyon sana kay Apolinario ay aalukin nila itong mag-sponsor sa kanilang paparating na event.