Encounter: NPA utas, 7 sundalo sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang isang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang pitong sundalo ang nasugatan sa pagpapasabog ng landmine ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos ang engkuwentro sa Brgy. Lower Olave, Buenavista, Agusan del Norte kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Major Gen. Ronald Villanueva, Commander ng Army’s 4th Infantry Division (ID), alas-3:45 ng hapon habang nagsasagawa ng security patrol ang tropa ng Army’s 23rd Infantry Battalion (IB) nang masabat ang grupo ng mga armadong rebelde na nauwi sa engkuwentro sa nasabing lugar.
Ilang saglit pa, napaslang ang isang rebelde na si Rex Angadon, 23 at magsasakang katutubo na na-recruit ng NPA rebels. Samantalang 30 minuto matapos ang bakbakan, nagpasabog ng landmine ang grupo ni alyas Ka Yolly ng Guerilla Front Committee ng North Central Mindanao Regional Command na ikinasugat ng pitong sundalo mula sa shrapnel ng landmine at agad na inilikas sa encounter site ng kanilang mga kasamahang sundalo.
Narekober sa encounter site ang pitong SIM cards, memory cards na naglalaman ng larawan at videos ng mga rebelde, isang magazine ng M16 na may 18 bala, mga subersibong dokumento at isang solar panel.
- Latest