Sa pinsalang idinulot ni ‘Ompong’
GAMU, Isabela, Philippines — Isinailalim na sa “state of calamity” ang tatlong lalawigan ng Cagayan Valley at maging sa kalapit na lugar sa Ilocos Norte matapos bayuhin ng nagdaang bagyong si “Ompong” na may international codename na “Manghkut” nitong Sabado.
Unang nagdeklara ng state of calamity si Governor Manuel Mamba ng Cagayan noong Linggo matapos maitala ang pinakamalakas na hagupit ng bagyo sa lalawigan.
Magkasabay naman na nagdeklara ng state of calamity ang mga lalawigan ng Quirino at Isabela nitong Lunes matapos maipasa ng kanilang provincial board ang resolusyon batay sa pinsala ng bagyo.
Ayon sa ulat, ang lalawigan ng Cagayan ang may pinakamalaking pinsala sa taniman at infrastraktura na umabot sa P8 bilyon na sinundan ng Isabela sa P3.6 bilyon at Quirino, P463 milyong halaga ng nawasak ng bagyong Ompong.
Umakyat naman sa 10 ang naitalang nasawi sa buong lalawigan na kinabibilangan ng 4 na miyembro ng pamilya sa Nueva Vizcaya at anim pa sa Cagayan.
Nananatili pa ring walang kuryente sa Cagayan habang suspendido pa rin ang pasok sa mga paaralan sa buong lalawigan.
Samantala, maging ang lalawigan ng Ilocos Norte ay isinailalim na rin sa “state of calamity” matapos na mawasak ang kanilang mga pananim at gusali na tinatayang umaabot sa P1-bilyon dahil sa bagyo.
Hinihintay naman ng mga residente ng Isabela ang pagdating ni Pangulong Rodrigo Duterte para bisitahin ang mga biktima ng bagyo.
Nitong Linggo, unang tinungo ni Duterte ang Ilocos Norte at Cagayan habang binisita rin niya ang mga natabunan ng landslide sa Benguet kamakalawa.