3 bus nagkarambola: 21 sugatan
MANILA, Philippines — Nasa 21 katao ang nasugatan makaraan ang karambola ng tatlong pampasaherong bus sa Diversion Road sa Lucena City, Quezon kahapon ng madaling araw.
Sa report ni Quezon Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Osmundo de Guzman, sangkot sa karambola ang Amihan bus (ACD 1533), Philtranco bus (AIA 3037) at isa pang Philtranco bus (ABG 8679) na may rutang Bicol–Manila.
Bandang alas-2:30 nitong Lunes ng madaling araw nang bumangga muna sa konkretong barrier sa harapan ng bagong city hall building ng lungsod sa Barangay Kanlurang Mayao ang isang Philtranco bus na minamaneho ni Melchor Peliyas na patungo sana sa Mindanao.
Bunga nito, aksidente namang nagbanggaan ang pampasaherong Amihan bus na minamaneho ni Jomel Bolivar na patungong Metro Manila at isa pang Philtranco bus na minamaneho naman ni Rogelio Monge na sasaklolo sana sa naunang bus na bumangga sa konkretong barandilya.
Humigit kumulang 21 mga pasahero na karamihan ay sakay ng Amihan bus ang nasugatan kasama na ang ilang mga menor-de-edad na taga Camarines Sur at Bicol Region.
Nakilala ang ilan sa mga nasugatan na sina Janette Arena, Ronnie Sarion, Arceli Malabanan, Oscar Cleopas, Teodora Lazaro, Cedenia dela Cruz, Edwin Ariola, Marilou Gallarde Lleyann Gallarde, Donato Morillo, Russelle Arellas, 3-buwang sanggol; Rex Casais at iba pa.
Inaalam pa kung ano ang naging sanhi ng aksidente, pero wasak na wasak ang unahang bahagi ng Amihan Bus na sumalpok sa likuran ng Philtranco Bus.
- Latest