MANILA, Philippines — Nalutas na ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) ang pagdukot at brutal na pagpaslang sa isang retiradong empleyado ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) company sa Quezon City matapos masakote ang tatlong pinaghihinalaang miyembro ng kidnap-for-ransom (KFR) gang sa follow-up operations sa Calaca, Batangas, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni PNP–AKG Director P/Chief Supt. Glenn Dumlao, ang mga nasakoteng suspek na sina Ivan Santiago, Don Felder Torres at Jeremy Bacos na sangkot sa pagdukot sa biktimang si Isagani Punio. Tinangay si Punio sa harapan ng tahanan nito sa Brgy. Santol, Quezon City noong Hunyo 25, 2018 ng tatlong armadong lalaki sakay ng isang kulay itim na Mitsubishi Montero na walang plaka. Ilang oras matapos ito, nakatanggap ng tawag sa telepono ang misis ng biktima mula sa mga kidnappers at humihingi ng P15 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng mister. Matapos ang serye ng negosasyon, naibaba ang ransom sa P450,000 pero hindi natuloy ang payoff noong Hunyo 27, 2017. Gayunman, noong Setyembre 10, 2018, nakatanggap ng text message si Gng. Rizalina Punio na humihingi muli ng ransom ang mga suspek pero pinatay na pala nila ang biktima.