2 nalunod sa ilog
MANILA, Philippines — Dalawa katao ang nasawi makaraang malunod sa ilog sa magkahiwalay na insidente sa Laguna at Abra, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni Laguna Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. John Kirby Kraft, dakong alas-8:30 ng umaga kamakalawa nang madiskube ang pagkalunod ng biktimang si Rejean May Oracion, 29-taong gulang.
Bago ito, nakipag-inuman muna ang biktima sa kanyang mga kaibigan noong nakalipas na Setyembre 8 pasado alas-9 ng gabi at matapos nito ay biglang nawala ang biktima.
Nagtungo umano sa ilog ang lasing na biktima at lumusong sa tubig hanggang sa hindi na nakita pa. Kinabukasan, nadiskubre na lamang ang lumulutang na katawan ng biktima sa ilog sa Laguna.
Iniulat naman ng Cordillera Police na bandang ala-1:32 ng hapon kamakalawa nang malunod ang lolong si Santiago Valdez, 73-anyos, magsasaka at residente ng Poblacion, Dolores, Abra sa Malanas River sa hangganan ng bayan ng Tayum at Dolores, Abra. Nagtungo sa ilog ang matanda kasama ang ilan pang katao para manguha ng mga inanod na kahoy nang tangayin siya ng malakas na agos ng tubig hanggang sa malunod.
Nabigo ang mga kasamahan ng matanda na masagip ang huli dahil sa bilis nang pangyayari.
- Latest