MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang dating barangay chairman habang sugatan ang Sangguniang Bayan member ng bayan ng Ampatuan, Maguindanao nang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang magkasamang nag-uusap ang dalawang biktima sa nasabing bayan, Martes ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si dating Brgy. Chairman Salik Sangki, 37-anyos, ng Madanding, Datu Abdullah Sangki sa Maguindanao na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at katawan habang nilalapatan ng lunas sa ospital si Ampatuan Municipal Councilor Datu Watari Sangki Adzis Jr. na nagtamo ng tama ng bala sa hita at kaliwang balikat.
Ayon kay PO3 George Ansa, ang imbestigador ng Ampatuan Police, nag-uusap ang dalawang biktima sa tapat ng Ampatuan National High School sa mismong Brgy. Poblacion nang dumating ang riding-in-tandem at walang kaabog-abog na pinaputukan ang dalawa.
Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang isang empty magazine ng caliber .45 pistol na pinaniniwalaang siyang ginamit ng mga salarin sa pamamaril sa mga biktima.