MANILA, Philippines — Nakatakas ang tatlong preso mula sa kanilang mga police escorts habang patungo sa pagdinig sa kanilang mga kaso sa lalawigan ng Rizal kamakalawa.
Batay sa ulat ng Rizal Provincial Police Office (RPPO), nakilala ang mga nakatakas na detainees na sina Hernan Nonato, Edward Borja, at Daniel Sastre, na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kaagad ding naaresto ng mga pulis sa operasyon at naibalik sa piitan sina Borja at Nonato, habang tinutugis pa si Sastre.
Sa ulat, dakong alas-11:00 ng umaga nang unang makatakas si Nonato mula sa kanyang police escort, nang samahan siya nito sa Justice Hall, sa Sitio Paglabas, sa Barangay San Pedro, Morong, upang dumalo sa kanyang hearing sa Morong Regional Trial Court.
Samantala, dakong alas-12:30 ng tanghali nang makatakas sina Borja at Sastre sa Manila East Road sa Barangay Pag-asa, Binangonan habang ineeskortan nina PO3 Ronilo Ian Medina, PO2 Yamani Batoon at PO2 Reynaldo Hilario kasama ang 20 iba pang preso para dumalo sa kanilang hearing sa Binangonan RTC Branch 68.