LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Sinampahan ng kasong murder ang isang pari matapos siyang ituro na umano’y responsable sa pagpatay sa 28-anyos na dalaga na natagpuan sa tabi ng Maharlika National Highway sa Zone 3, Brgy. Buenavista, San Fernando, Camarines Sur noong nakaraang Hunyo 15.
Si Father Paul Martino Tirao, kura-paroko ng St. Jude Parish Church ng Iriga City, ay kinasuhan sa Provincial Prosecutor’s Office sa Naga City dahil sa pagpatay kay Jeraldyn Bulalacao Rapinan, kapwa residente ng Brgy. San Jose sa bayan ng Baao.
Sa ulat ng Camp Gen. Simeon Ola, sa nakuha nilang mga ebidensya at testigo, lahat itinuturo sa brutal na pamamaslang kay Bulalacao ay si Father Tirao.
Matatandaan na noong nakaraang buwan, dakong alas-6:30 ng umaga, natagpuan ng mga residente at motorista ang bangkay ng dalaga na tadtad ng sugat,nakaposas ang dalawang kamay, natatalian ng nylon na lubid ang katawan at binalot ng malong ang mukha. Lumalabas na sina Tirao at Jeraldyn ay ilang buwan nang may ‘relasyon’ kung saan nagkaroon umano sila ng isang anak na batang lalaki.
Isa pang hindi pa nakikilalang suspek ang hinahanap at sinampahan ng kasong pagpatay dahil sa posibleng pakikipagsabwatan sa nasabing pari.