2 sugatan sa pagsabog sa Antipolo
MANILA, Philippines — Matapos ang naganap na pagsabog sa Lamitan, Basilan na ikinamatay ng 11 katao ay isang pagsabog din ang naganap sa Antipolo City kahapon ng tanghali na nagresulta ng pagkasugat ng dalawang indibidwal, at hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang may kagagawan nito.
Hindi na inihayag ng Antipolo City Police ang pangalan ng mga biktima, na bahagya lamang namang nasugatan, matapos na hagisan ng pampasabog ng ‘di kilalang suspek, dakong alas-11:00 ng tanghali.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, ang suspek ay sakay ng hindi naplakahang kotse nang bigla na lang naghagis ng eksplosibo sa isang tricycle na sinasakyan ng mga biktima, sa Sitio Calumpang, ng Barangay San Jose.
Lumitaw naman sa imbestigasyon ng pulisya, na posibleng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang may kagagawan nang pagpapasabog at mga sundalo ng Philippine Army (PA) na dumaraan sa lugar ang target ng mga ito.
Nagkataon umanong nag-overtake ang sasakyan ng mga sundalo sa tricycle kaya’t ang mga biktima ang tinamaan ng pagpasabog.
Iniimbestigahan naman na ng mga tauhan ng Explosive and Ordnance Division (EOD) ng Antipolo City Police, kung anong uri ng improvised explosive device (IED) ang ginamit ng mga salarin sa insidente.
- Latest