MANILA, Philippines — Inilunsad ng Philippine Postal Corporation o PHLPost ang selyo ng Dauis Church, isang Spanish colonial church sa lalawigan ng Bohol at kinilala bilang isang national treasure sa ginanap na pagdiriwang ng Sandugo Festival sa Bohol Cultural Center, Tagbilaran City kamakailan.
Ang Sandugo Festival ay ang selebrasyon at pag-aalaala sa Treaty of Friendship sa pagitan nina Datu Sikatuna at ng Espanyol na eksplorador na si Miguel Lopez Legazpi. Ang makasaysayang peace treaty ay naganap noong 1565 na kilala sa tawag na “blood compact” o “sandugo”. Ito rin ay kinikilala bilang unang punla o ‘seed’ ng kultura ng mga Boholano.
“Nagpasya ang PHLPost na itanghal ang mga natatanging koleksyon ng mga selyo o commemorative stamps na nagpapakita at naglalarawan ng mayamang kultura at mga magagandang tanawin sa iba’t ibang lugar. Ito rin ay upang lalong mapahalagahan ng mga lokal at banyagang turista ang magagandang tanawin at ang makulay na selebrasyon ng mga Pinoy Festivals sa bansa,” pahayag ni Postmaster General Joel Otarra.