KIDAPAWAN CITY, Philippines — Isa na namang guro ang pinagbabaril ng hindi pa kilalang suspek sa kanto ng Jose Lim Street, sa harapan ng Tam’s Bakery sa Brgy. Poblacion Singko, Cotabato City, Biyernes ng hapon.
Kinilala ni City Police Station 1 commander Chief Inspector Reynaldo Delantien ang nasawing biktima na si Nasser Gayak, 40-anyos, nagtuturo sa Mindanao Capitol Colleges Inc., ng Brgy. Buliok Pagalungan, Maguindanao.
Sa inisyal na ulat, pasado alas-5 habang naglalakad lamang sa nasabing lugar ang biktima nang pagbabarilin ng suspek lulan ng itim na Honda XRM-125 motorcycle na walang plaka.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at likod ang biktima dahilan ng kanyang kamatayan.Narekober ng pulisya sa crime scene ang isang basyo ng cal. 45 na pistol.
Personal grudge ang sinusundang anggulo ng mga awtoridad sa motibo ng pamamaslang sa biktima.
Nauna rito, pinagbabaril ang guro na si Ritchel Celestial Pareño, tumatayong principal ng Bulol High School, isang annex school ng Pikit National High School na nasa Brgy. Bulol, Pikit noong Hulyo 12 ng umaga sa NIA Road, Brgy. Tapkepan, Pikit na ngayon ay patuloy na nagpapagaling sa ospital. (Joy Cantos)