Ama sinaksak ang 2 anak bago nagpakamatay sa South Cotabato

MANILA, Philippines – Dalawang bata ang patay matapos saksakin ng kanilang ama sa South Cotabato kahapon.

Kinilala ni Police Regional Office-12 spokesperson Supt. Aldrin Gonzalez ang suspek na si Willy Enalbas na nagpakamatay din matapos gawin ang krimen.

Ayon sa kamag-anak ng mga biktima, tatlong araw nang balisa si Enalbas matapos umalis ang kaniyang misis na biyaheng Saudi Arabia upang magtrabaho.

Sinaksak ng suspek ang kaniyang dalawang anak na kapwa nasa pre-school gamit ang kutsilyo sa kanilang bahay sa Barangay Dumadalig sa bayan ng Tantangan.

Lasing umano ang suspek nang saksakin ang kaniyang mga anak.

May apat pang anak si Enalbas na nakatira sa kanyang ina sa parehong barangay.

Sinabi ng mga kaibigan ni Enalbas na sinabihan daw sila ng suspek na kung sakaling may mangyari sa kanya ay ibigay ang apat pang anak sa Department of Social Welfare and Development.

Noong 2016, inilunsad ng Department of Health, kasama ng World Health Organization at Natasha Goulbourn Foundation, ang "Hopeline Project" na naglalayon na pigilan ang mga pagpapakamatay sa bansa.

Ang mga numerong tatawagan ay ang mga sumusunod: (02) 805-HOPE (4673); 0917 558 HOPE (4673) and 2919. Toll-free ang mga number na to sa mga GLOBE at TM subscribers.

Show comments