MANILA, Philippines – Napanatili ng bagyong Gardo ang kanyang lakas habang tinutumbok ang hilagang Taiwan, ayon sa state weather bureau ngayong Martes.
Huling namataan ng PAGASA ang pampitong bagyo ngayong taon sa 635 kilometro hilagang-silangan ng Basco, Batanes ganap na alas-10 kaninang umaga.
Taglay ni Gardo ang lakas na 170 kilometers per hour (kph) at bugsong aabot sa 210 kph, habang gumagalaw pa hilagang kanluran sa bilis na 30 kph.
Inaasahang palalakasin ng bagyo ang hanging habagat na magdadala ng pag-ulan sa mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Mindoro, Hilagang Visayas, at Central Luzon.
Paminsang pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, Kanlurang Visayas, at Timog Luzon hanggang bukas.
Walang itinaas na tropical cyclone warning signal ang PAG-ASA dahil hindi inaasahang tatama ang bagyo sa kalupaan.
Tinatayang lalabas ng PAR ang bagyo mamayang gabi hanggang bukas ng umaga.
Forecast Positions:
24 Hour(Tomorrow morning): 665 km North Northwest of Basco, Batanes (OUTSIDE PAR) (26.3°N, 120.6°E)
48 Hour(Thursday morning):1,185 km Northwest of Basco, Batanes (OUTSIDE PAR) (29.1°N, 115.1°E)