MANILA, Philippines – Isang bagong halal na kapitan ng barangay ang nahuli ng mga awtoridad sa lalawigan ng Pangasinan kahapon.
Nadakip si Barangay Guelew Captain Rodolfo Ramos matapos mahulian ng kalibre-38 rebolber at mga bala sa San Carlos City.
Pinaniniwalaang pinuno ng “Ramos Group” ang suspek na nagpapatakbo ng karera ng mga baka sa ikalawa at ikatlong distrito ng Pangasinan.
Samantala, naaresto rin sa magkakahiwalay na operasyon ang lima pang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Law.
Isang Warren Cadater na kinilalang miyembro ng “Dumog Gunrunning Group” ang naaresto sa Hilltop, Purok 6, Bulanao, Tabuk City matapos makumpiskahan ng kalibre-45 na baril kasama ang 16 na piraso ng bala.
Nakumpiska rin ng CIDG sa Brgy. Ilang-Ilang, Bulacan ang isang kalibre-45 kay Edmond Mesa.
Isang kalibre-nuwebe, dalawang shotgun, at mga bala naman ang nakumpiska ng CIDG at Baao Municipal Police Station (MPS) sa Sitio Ubo, Brgy. La Mealla, Baao, Camarines Sur mula sa pag-aari ni Tito Bedrual.
Naaresto naman ng CIDG ang isang Cormen Corseles sa Purok 1A, Sampaguita, Brgy. Del Monte, Samal, Davao Del Norte dahil sa pag-aari ng kalibre-22 na baril at rebolber, rifle scope, at mga bala.
Sa Sitio Central, Brgy. Dinganen, Buldon, Maguindanao naman naaresto si Melchor Callar matapos mabawian ng kalibre-45 at mga bala.