CAVITE , Philippines — Bulagta ang isa sa dalawang hinihinalang karnaper matapos na makipagbarilan sa mga pulis sa Tanza, Cavite kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang napatay na suspek na si Allan Collado, nasa hustong gulang, ng Barangay Biga, Tanza.
Sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling araw habang nagpapatrolya ang mga pulis sa kahabaan ng Trece Road, Brgy. Bagtas nang humahangos na lumapit sa kanila ang isang nakilalang “Glen” at humihingi ng tulong hinggil sa dalawang lalaki na naka-camouflage at naka-jacket na humarang sa kanya at tinutukan siya ng baril saka sapilitang inagaw ang kanyang motorsiklo.
Agad na nagsagawa ng dragnet operation ang pulisya at namataan nila sa Brgy. Bagtas ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo. Nang tinangkang lapitan ng mga pulis, humarurot umano ang dalawa at nagpaputok. Dito na nagkaroon ng habulan at nauwi sa engkuwentro hanggang sa masapol ng bala ang backrider na suspek dahilan upang sila ay sumemplang. Nagawang makatakas ang isa habang dinala pa sa Aguinaldo Hospital sa Trece Martires City si Collado subalit idineklara siyang dead-on-arrival.
Narekober sa lugar ang isang Kawasaki Rouser 135 (2600 VS) na kinarnap sa biktima, isang cal. 38 pistol na may serial number 1284847 at empty cartridge shells ng caliber .9mm pistol.